-
Subok 1
Sumalok si Conchita ng tubig mula sa tapayan.
Tumingala siya at iniharang ang kamay bilang pananggalang sa matinding sinag ng araw.
Alas-dose na ng tanghali, kainitan. Dinala niya ang tubig mula sa tapayan, patungo sa lamesa sa kusina, at isinalin sa pitsel.
“Heto, inumin mo. Mainam yang pamawi ng uhaw. Galing pa ‘yan sa batis sa likod ng bahay. Inigib ko ‘yan kahapon, bago lumubog ang araw. Nakasisigurado akong mapapawi din nito ang pagod mo’t magdamag itong pinalamig ng mapanglaw na gabi.”
Iniliwat ni Raymund ang tubig sa isang tasang gawa sa lata. Nasalat niya ang tagiliran ng tasa’t nadama niya ang lamig mula sa isinaling tubig.
Marahan niyang inilapat ang labi ng tasa sa kanyang mga labi, sabay lagok ng tubig. Dumaloy ang kalamigan nito’t pinawi ang nanunuyot niyang lalamunan. Maghapon na sa kaparangan si Raymund, at bilad na bilad ito sa ilalim ng katanghaliang tapat.
“Hmmmm. Tama ang hinala ko. Lasang tae nga ng baboy.” Wika ni Raymund.
“Ha?” Gulat na sabi ni Conchita.
“Hindi mo ba alam na may kagagawa lang na babuyan dun sa kabilang bahagi ng batis? Si Mang Hermigilio ang may-ari. Ginawan niya ng paagusan yung kanal ng babuyan niya patungo sa batis. Alam mo namang napakakuripot ng matandang ‘yon at hinding-hindi siya magpapagawa ng maayos na paagusan ng mga kural ng kanyang babuyan. Lahat ng katas ng kural, doon ang tungo sa batis. Nakapagtatakang hindi mo man lamang ito nabalitaan?”
“Fuck, sorry.” Buntong-hininga ni Conchita.